Monday, June 20, 2005

Pagtitiis: Isang Panibagong Konsepto sa mga Politiko

This story was taken from www.inq7.net
http://news.inq7.net/opinion/index.php?index=2&story_id=40876

Pilosopiya ng pagtitiis
First posted 00:01am (Mla time) June 20, 2005
By Manuel L. Quezon III, Inquirer News Service
(Mensahe sa 107-Anibersaryo ng proklamasyon ng kasarinlan, Tierra Bella Homes, Quezon City.)

NOONG nag-aaral pa ako sa Unibersidad ng Pilipinas, isa sa mga tinatakdang kurso ay ang buhay ni Rizal. Habang dumadaan ang mga buwan, nahalata ng aming propesor na nahihirapan ang kanyang klase sa mga teksto na pinapabasa sa amin. Pinagalitan kami nang isang araw noong halatang-halata na hindi namin kayang pag-usapan nang matino ang mga konseptong pampilosopiya ni Hegel, isang Alemang intelektwal. Noong pinagalitan kami, sinabi agad ng isang kaklase ko: "Pambihira naman si Ma'am. Sa ibang Rizal course, hanggang Noli, Fili, at Josephine Bracken lang ang kanilang tinatalakay sapagkat itinatakda lamang ito ng batas." Hindi ko makakalimutan ang sagot sa amin ng aming propesor. Pinaliwanag niya na walang karapatang makilahok sa buhay ng lipunan ang mga indibidwal na nagpakita ng kakulangang intelektwal sa buhay at mga prinsipyo ni Rizal. "Huwag ninyong kalimutan," sabi niya, "na ang buhay ng ating pambansang bayani ay nakaukit sa tatlong prinsipyo: kaalaman, katalinuhan, at pagtitiis." Ang problema daw sa kabataan, minamahal lang namin ang kalayaan. Binasa niya sa amin ang sinulat ng isang makatang Kastila, si Miguel de Unamuno:

"Si Rizal, isang napaka-relihiyosong kaluluwa, ay nadamang ang kalayaan ay hindi isang layunin kundi isang pamamaraan; na hindi sapat para sa isang tao o sambayanan na naisin ang maging malaya kahit na walang tiyak na pagkaunawa ang mabuo kung ano ang magiging silbi ng kalayaan sa kalaunan.

Malinaw naman sa atin na ang buhay at diwa ni Rizal ay tungkol sa kadakilaan na nadudulot ng isang buhay na nagpapakita ng pagmamahal sa kaalaman at katalinuhan, ngunit ang hindi kapansin-pansin ay ang kahalagahan ng kabutihan ng konsepto ng pagtitiis. Sa aking sariling pagsusuri, nakita ko na ang konsepto ng pagtitiis ay hiniram ng aking propesor sa yumaong manunulat na si Leon Ma. Guerrero. Sa isa sa kanyang mga sanaysay, ito ang sinulat niya:

Maari natin itong tawaging pilosopiya ng "pagtitiis." Hindi ito naglalaman ng padalos-dalos na pakikiharap na napapaloob sa Pilipinong konsepto ng "bahala na," na maaring magtulak tungo sa pagkilos, pwedeng padalos-dalos, hinahayaan na lamang ang kalutasan sa Maykapal, ngunit gayonpaman ay pagkilos pa rin, at sa tanong na "Ano ba ang kailangang gawin?" ay maisasagot, "Maaring ito o iyun, o yung isa pang pagpipilian, subukan lamang natin at tignan kung ano ang mangyayari, wala namang mawawala sa atin." Ikinatatakot ko na maari akong bumalik sa aking sinasabing pagka-ordinaryo, at ilarawan ito bilang pilosopiya ni Bonifacio at Aguinaldo, ang pilosopiya ng himagsikan.

Ang "pagtitiis" na mensahe ni Rizal ay kakaiba. Sinulat nya "Kailangan nating makamtan ang ating kalayaan sa pamamagitan ng pagiging karapat-dapat dito, sa pamamagitan ng paghahasa sa isipan at pagpapataas sa dangal ng bawa't isa, pagmamahal sa katarungan, sa kabutihan, sa kadakilaan, kahit hanggang sa kamatayan. Kapag natarok na iyan ng sambayanan, ang Diyos na mismo ang magbibigay ng sandata, at ang mga diyos-diyosan at malulupit na panginoon ay babagsak na parang bahay na gawa sa baraha."

Sa tanong "Ano ba ang dapat gawin?" sasagutin muli ni Rizal: "Magtiis, magtrabaho, at maghintay sa paggabay ng Diyos."

Ano ang ibig sabihin ng pilosopiya ng pagtitiis? Ang sakripisyo at kahirapan na naidudulot ng isang purong pagmamahal sa kaalaman at katalinuhan ang kailangan nating batayan sa pagkakaintindi sa pilosopiyang ito.

Sa ating sariling lipunan, ang isa sa mga pinaka-ginagalang na miyembro ng komunidad ay ang guro. At sa milyon-milyong pamilyang Pilipino, ang isa sa mga pinakamatibay na tradisyon ay ang pagtitipon ng kakayahan ng pamilya upang pag-aralin ang isang kasapi na maging propesyonal, katulad ng ginawa ng kapatid ni Rizal na huminto sa pag-aaral upang magtrabaho para mapag-aral ang kanyang kapatid, o kaya ang pagiging isang kawani sa kompaniyang pangangalakal ng mga dayuhan, katulad ni Andres Bonifacio, o pagiging abogado ni Apolinario Mabini. Ang kaalaman at katalinuhan ay bunga ng paghihirap at pagsusubok. Maraming kailangang daanan ang isang tao upang makatikim ng bunga ng kanyang pag-aaral. Sa hanay ng mga magulang at mga kapatid, maraming taon ang lilipas bago nila makita ang bunga ng kanilang mga sakripisyo, at kahit dumating man ang araw na naging isang doctor, abogado, guro, o inhinyero na ang kanilang anak o kapatid, hindi pa rin nila masisiguro na palaging magiging maginhawa ang buhay ng kanilang angkan. Ngunit, ayon kay Rizal, at sa pananaw ng nakakarami sa ating kapwa Pilipino, mismong ang pagsisikap tungo sa kahusayan ang lumilikha ng tinatawag nating kalinangang panlipunan: ang pagsasabuhay ng kahalagahan ng pagtitiyaga, disiplina, kamulatan, at katapatan hindi lamang sa pamilya kundi sa buong sambayanan.

Ayon kay Guerrero, minana natin sa mga Kastila ang kakulangan ng kalinangang panlipunan.

Ayon nga sa opinyon ng nakararami, ang pamamalakad ng gobyerno at ang paggamit ng kapangyarihan sa ating lipunan ay kopya ng mga kakulangan ng mga Kastila: pulitika bilang laro; kapangyarihan bilang paraan upang mapaunlakan ang mga mabababaw na kagustuhan. Namana naman natin sa Amerika, ayon kay Guerrero, ang materyalismo-ang pagmamahal sa mga bagay at hindi mga prinsipyo, at ang pananaw na ang mga kasangkapan ang nagpapatunay ng kagalingan. Ang pilosopiya ng pagtitiis ay ang kaisa-isang paraan kung paano natin maiiwasan ang nakalalasong pamana ng mga dayuhang naghari sa atin; at ang paraan kung paano natin malulutas ang problema ng kawalan ng pag-asa.

©2005 www.inq7.net all rights reserved

0 Comments:

Post a Comment

<< Home